NAGA CITY- Kabilang ngayon sa aabot sa 24 na paaralan na inaprobahan ng Commission on Higher Education (CHED) ang Naga College Foundation sa probinsya ng Camarines Sur upang magsagawa ng limited face to face classes ngayong 2nd semester.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Mario Villanueva, presidente ng NCF, sinabi nito na masusi ang naging paghahanda ng kolehiyo para makapasa sa inspeksiyon ng safety guidelines na hinihingi ng CHED.
Kaugnay nito, hinahati ang nasa 251 na mag-aaral na nasa 3rd at 4th year ng nursing, medical technology at midwifery sa nasabing kolehiyo upang malimitahan lamang sa 75 kada araw ang papasok sa limang laboratoryo para sa tatlong kurso.
Kaugnay nito, dinagdagan naman ng kolehiyo ang mga classroom para naman sa holding area ng mga estudyante.
Sa ngayon, isinasagawa na ng kolehiyo ang orientasyon sa pamamagitan ng zoom hinggil sa mga dapat gawin at sundin na protocols ng mga estudyante sa muling pagbubukas ng klase sa darating na Abril 5, 2021.
Mababatid maliban sa NCF ay kasama rin ang Bicol University sa mga medical schools sa bansa na nasa ilalim ng Modified General Community Quarantine (MGCQ) ang nabigyan ng pagkakataon na mag sagawa ng nasabing limited face to face classes.