NAGA CITY – Hindi aniya inasahan ng Naga City Police Office na marami ang makaka-penetrate sa andas ni El Divino Rostro at ni Nuestra Señora de Peñafrancia sa katatapos lamang na Traslacion Procession.
Ito ay sa kabila ng bilang ng mga kapulisan at kasundaluhan ang nakabantay sa paligid ng andas.
Mababatid na una nang inamin ng naturang himpilan na hindi nasunod ang ilang mga panuntunan na una nang ipinalabas ng Local Government Unit (LGU) at ng Simbahang Katoliko sa naturang aktibidad.
Sa naging pagharap sa mga kagawad ng media ni PLTCOL. Errol Garchitorena Jr., Deputy City Director for Administration (DCDA) ng NCPO, sinabi nito na ang ninanais sanang solemn at mapayapang procession ay hindi natupad.
Samantala, patuloy pa rin ang isinasagawang paghahanda ng NCPO sa mga paparating pang mga aktibidad sa lungsod gaya na lamang ng military parade at ang inaabangan pa na Fluvial procession.
Sa ngayon, tiniyak na lamang ni Garchitorena na gagawin ng kanilang opisina ang lahat nang kanilang makakaya kasama ang tropa ng mga kapulisan at kasundaluhan para sa kaligtasan ng lahat na makikilahok sa pagdiriwang ng Peñafrancia Festival.