NAGA CITY- Agad na nagdeploy ng kanilang mga tauhan ang Naga City Police Office sa bahagi ng Sagrada Familia matapos ang kick off ceremony sa ipinatayong outpost ng mga kapulisan sa lugar.
Sa isinagawang press briefing, sinabi ni PCOl. Erwin Rebellon, City Director ng Naga City Police Office, na sa ganitong paraan maiiwasan ang pagpasok ng mga iligal na droga sa nasabing lugar.
Dagdag pa ng opisyal, anumang oras magsasagawa ang mga kapulisan ng monitoring sa lugar, kung saan maging ang mga kabataan na nasa labas pa sa mga alanganin na oras ang mababantayan at mapipigilan na masangkot sa iligal na droga.
Kaugnay nito, hinigpitan naman ng mga otoridad ang paglabas-masok ng mga delivery rider sa lugar, upang malaman kung talagang ang pakay ng mga ito ay ma magdedeliver lamang.
Chene-check umano nila kung para kanino ang delivery dahil mayroon silang mga identified individual na sangkot sa iligal na droga sa nasabing lugar.
Binigyan-diin pa ng opisyal na hindi lamang Sagrada Familia ang kanilang tinututukan kundi maging ang iba pang mga barangay na mayroong mga binabantayang mga drug personality.