NAGA CITY – Naalarma ngayon ang Naga City Police Office (NCPO) kaugnay ng pagpapadala ng mensahe ng isang indibidwal kung saan binabantaan nito ang mga kapulisan hinggil sa umano’y pasugalan sa mga peryahan sa lungsod.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PSMSgt. Toby Bongon, tagapagsalita ng nasabing himpilan, sinabi nito na ang nasabing indibidwal ay nagpapakilala bilang miyembro ng media.

Nakapaloob din umano sa nasabing mensahe na kung hindi ito agad aaksyunan ng mga awtoridad, ipapakalat umano ito sa social media.

Ayon sa opisyal, halata umanong walang katotohanan ang nasabing paratang lalo na nang i-address nito ang isyu sa Chief of Police (COP) ng Naga gayong wala namang hepe ang NCPO kundi City Director.

Tinawag din umano ng indibidwal na bayan ang Naga gayong ito ay isang lungsod.

Ngunit batay sa naging beripikasyon ng mga awtoridad gayundin ng Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP) na isa itong bogus at layunin lamang na mangotong sa mga management ng peryahan.

Dagdag pa ni Bongon, ang naturang modus umano ay hindi lamang ginagawa sa NCPO kundi gayundin sa mga Municipal Police Stations ng ibang mga bayan kung saan ang iba ay hinihingian pa ng pera.

Samantala, tanging verbal advise pa lamang ang pinapababa ng Philippine National Police (PNP) Regional Office V na huwag magpapadala sa nasabing modus.

Sa ngayon, patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad lalo na ng NCPO para matigil ang nasabing modus lalo na’t nakakasira rin ito sa reputasyon ng KBP.