NAGA CITY – Naka-full alert status na ang mga tauhan ng Naga City Police Office kaugnay ng pagdating ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa lungsod ng Naga bukas, Marso 16, 2023.
Nakatakdang kasing dumalo ang Pangulo sa gagawing Groundbreaking ng Pambansang Pabahay Housing Project ng lalawigan ng Camarines Sur sa may bahagi ng Panganiban sa nasabing lungsod.
Sa naging pagharap sa mga kagawad ng media ni PCol. Nelson Pacalso, City Director ng NCPO, sinabi nito na maigi ng mga itong pinag-aaralan ang magiging security measures para bukas katulong ang Presidential Security Group.
Aniya, lahat ng tauhan ng NCPO ay nakatakdang i-deploy para mtiyak ang kaligtasan ng Pangulo.
Samantala, patuloy din ang ginagawang koordinasyon ng Public Safety Office, sa pamumuno ni Rene Gumba, head ng nasabing opisina sa iba’t-ibang ahensya kung saan naka-assigned sa mga ito ang pamamahala sa trapiko sa lungsod partikular na sa dadaanan ng convoy ni Pangulong Marcos Jr.
Kaugnay nito, maaga namang nagpalabas ng road closure advisory ang nasabing opisina sa publiko kung saan mayroong tatlong areas na apektado kasama na ang bahagi ng Balatas, Magsaysay, at Panganiban sa lungsod pa rin ng Naga.
Bagaman wala pang pinal na detalye kung anong oras darating ang pangulo, isasara na ang nasabing mga lugar pagsapit ng alas-8 ng umaga hanggang alas 5 ng hapon.
Inaasahan naman ang nasa 150 guest na dadalo sa nasabing groundbreaking.