NAGA CITY- Patay na nang matagpuan ang katawan ng isang negosyante sa loob ng kotse nito sa Eco-Tourism Road Purok Bagong Buhay, Barangay Ibabang Talim Lucena City.

Kinilala ang biktima na si Ferdinand Gerbas Gallioso, 40-anyos, residente kan Purok San Francisco, Red-V, Barangay Ibabang Talim sa nasabing bayan.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office (QPPO), nabatid na habang nasa loob ng kaniyang sasakayan ang biktima nang biglang dumating ang mga hindi pa nakikilalang suspek at pinagbabaril si Gallioso.

Dahil dito, nagtamo ng tama ng bala baril ang biktima sa kaniyang katawan na nagdulot nang agaran nitong kamatayan.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, pinaniniwalaang alitan sa negosyo ang motibo sa krimen.

Nabatid kasi na sangkot si Gallioso sa iligal na pagti-trade ng krudo sa kanilang lugar.

Samantala, narekober naman sa pinangyarihan ng insidente ang isang FCC ng 45 caliber, dalawang FB ng caliber 45 at isang metal fragment.

Sa ngayon, patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa insidente gayundin ang pagtunton sa mga suspek na tumakas matapos gawin ang naturang krimen.