NAGA CITY- Binigyang-diin ng National Food Authority-Camarines Sur na nanatiling sapat ang kanilang suplay ng bigas sa kabila ng sunod-sunod na bagyo na tumama sa Bicol Region.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Marbin Ciudadano Malabanan, Officer in Charge at Branch Manager ng NFA-CamSur, sinabi nito na kahit malaki ang naging epekto ng dumaang mga bagyo ngunit nananatiling sapat ang suplay ng bigas ng NFA-Camarines Sur dahil mayroon umano silang bastanteng stock ng palay mula sa mga magsasaka, Farmers organization, Irrigators Association at iba pa.
Ayon pa kay Malabanan, marami ang bumili o nag request na mga LGUs, legislators, maliliit na barangay maging ang Office of Civil Defense ng bigas na kanilang ginamit para sa relief operations sa mga naapektuhan ng mga bagyong tumama sa probinsiya.
Paliwanag ng opisyal na pag mayroong kalamidad, ang NFA ang nagpo-provide ng bagas dahil ito umano ang mandato ng pamahalan sa kanilang ahensiya.
Kaugnay nito, hanggang sa ngayon mayroon pa ring nagre-request na mga LGUs at legislators para sa malaking volume ng bigas na gagamitin sa relief operations para sa mga higit na naapektuhan ng kalamidad na humagupit sa Rehiyong Bikol kung kaya patuloy rin ang kanilang milling ng mga palay.
Dagdag pa ng opisyal, kahit maraming mga magsasaka ang naapektuhan ng bagyo mayroon ring mga naani na ang kanilang mga palay bago pa ang pananalasa ng bagyo na kaagad namang ibenebenta sa NFA.
Ipinagmalaki pa ni Malabanan na maraming mga magsasaka ang lumalapit sa NFA upang ibenta ang kanilang mga palay sa NFA dahil sa maatas na bili nito.
Sa ngayon, tiniyak na lamang ng opisyal na tuloy-tuloy ang kanilang pagbili ng mga palay upang magkaroon ng sapat na buffer stock ng bigas na magagamit sa panahon ng kalamidad.