NAGA CITY- Tiniyak ng National Food Authority Camarines Sur na sapat ang suplay ng palay at bigas ng kanilang ahensiya kasabay sa pagdeklara ng food security emergency on rice.
Maalala, kahapon, idineklara na ni Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco Tiu Laurel Jr ang food security emergency on rice kung saan ibinase umano ang deklarasyon sa rekomendasyon mula sa National Price Coordinating Council. Layunin ng nasabing deklarasyon na mapababa ang presyuhan ng bigas sa merkado.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Marbin Ciudadano Malabanan, Officer in Charge/ Branch Manager ng NFA-CamSur, sinabi nito na nakipag-ugnayan sila sa mga LGU na nag-aabiso na maaaring bumili ng bigas sa kanilang opisina.
Aniya ang LGU ang direktang bibili sa kanila pero hindi ang mga traders at ang mga ito rin ang bahala na magbenta sa bigas sa kahit na anong paraan na makakatulong sa publiko.
Mayroon lamang umano na tatlong araw ang mga LGUs upang sumagot sa kanilang letter of invitation kaugnay sa pagbili ng murang bigas
Dagdag pa ni Malabanan, dapat sapat lamang sa consumption ng mamayan ang bibilhin batay sa daily consumption requirement sa datus ng Philippine Statistics Authority.
Para sa implementasyon ng food security emergency on rice, mayroong 25,000 na bags ng bigas ang naka-allocate para sa lalawigan ng Camarines Sur habang 10,000 bags naman sa lalawigan ng Camarines Norte.
Binigyang-diin ni Malabanan na makakasigurado ang mga lokal na pamahalaan na magandang klase ng bigas ang ilalabas hindi tulad ng pag-aakala ng iba lalo pa’t sakop nila ang dalawang lalawigan sa Bicol Region.
Inaasahan naman ng opisyal na kasabay sa pagdeklara ng food security emergency on rice magiging accesible na ang bigas sa mga mamimili sa halagang P38.00.
Samantala, ipinaliwanag naman ni Malabanan na sa oras na maging stable na ang presyuhan ng bigas sa merkado, aalisin na ang deklarasyon ng food security emergency on rice.