Isinusulong ng National Food Authority (NFA) ang pagbibigay sa kanila ng emergency powers upang direktang makapagbenta ng mas murang bigas sa publiko sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo nito.

Ayon sa NFA, layunin ng mungkahi na alisin ang mga middlemen at direktang makapagbenta sa mga pamilihan, LGUs, at Kadiwa stores upang mapababa ang presyo ng bigas.

Plano ng ahensya na ibenta ang bigas sa halagang ₱33 hanggang ₱36 kada kilo, na mas mababa kumpara sa kasalukuyang presyo sa merkado na umaabot na sa ₱52 hanggang ₱58 kada kilo sa ilang lugar.

Nais din ng NFA na mapabilis ang pagbili ng palay mula sa mga lokal na magsasaka at ang proseso ng paggiling nito, lalo na’t puno na ang kanilang mga bodega at kailangang mailabas ang lumang buffer stock.

Advertisement

Sa kasalukuyan, limitado ang kapangyarihan ng NFA sa ilalim ng Rice Tariffication Law, kung saan dumadaan pa sa Food Terminal Inc. at mga lokal na pamahalaan bago makarating sa mga mamimili ang kanilang suplay.

Umaasa ang ahensya na sa pamamagitan ng emergency powers, mas mapapabilis ang kanilang market intervention upang maibsan ang epekto ng tumataas na presyo ng bigas sa publiko.

Advertisement