NAGA CITY- Kinondena ngayon ng Philippine Army ang patuloy na pang-aatake ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa mga kasundaluhan sa kabila ng enhanced community quarantine at pag-alala sa Semana Santa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Lt. Col. Dennis Caña, tagapagsalita ng Southern Luzon Command (Solcom), sinabi nito na kasabay ng pagiging abala ng mga tropa ng pamahalaan sa pagprotekta sa mga mamayan sa gitna ng krisis, sunod sunod naman ang naitatalang engkwentro sa Calabarzon Area.
Ayon kay Caña, maliban sa mga unang engkwentro sa Rizal at Quezon, naglagay pa aniya ng mga road side bomb ang mga rebelde sa isang lugar sa Real, Quezon.
Aniya, sa halip na tumulong sa mamamayan, ang patuloy na paglaban parin ang nasa isip ng naturang mga rebelde.
Sa kabila nito, tiniyak naman ni Caña na bukas pa rin ang pamahalaan sa pagtanggap sa sinumang magbabalik loob na miembro ng NPA.
Samantala, inaasahan naman ng military official na matutuloy ang pagsuko ng ilang mga rebelde na una na aniyang nakipag-ugnayan sa kanila.