NAGA CITY- Hinamon ng Chairman ng National Union of Journalists of the Philippines si Sen. Bato Dela Rosa na patunayan ang mga paratang nito sa ABS-CBN Convergence Inc.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Nonoy Espina, Chairman ng NUJP-National, sinabi nito na walang anomang batayan ang senador sa mga pahayag nito tungkol sa issue.
Ayon kay Espina, dapat hintayin na lamang ang isinasagawang hearing upang lumabas ang katotohanan dahil sa ngayon lumalabas na pinangungunahan aniya ni Dela Rosa ang pagdinig.
Lumalabas din aniya na walang pakialam ang Senador sa mahigit 11,000 katao na posibleng mawalan ng hanapbuhay.
Ayon dito, kung susumahin hindi lamang 11,000 katao ang maaapektohan dito kundi pati na ang bawat pamilya ng mga ito.
Sa ngayon, ang tanong ni Espina, kung kakayanin aniya ng konsensya ng senador na mawalan ng trabaho ang libo-libong empleyado ng dahil lamang sa maling paratang.