NAGA CITY- Maikokonsidera umanong isang patraydor na pamamaraan ang ginawa ng National Telecommunications Commission (NTC) hinggil sa inilabas nitong cease and desist order laban sa media giant na ABS-CBN.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Nonoy Espina, Presidente ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP-National) sinabi nito hindi umano nito nagustuhan ang ipinalabas na desisyon ng nasabing ahensya.
Ayon dito kung iisipin ay dalawang araw palamang ang nakakalipas ng gunitain ng buong mundo ang World Press Freedom day.
Ngunit nakakalungkot umanong isipin na dahil sa galit ng isang tao ay ginamit nito ang kanyang kapangyarihan upang maipasara ang isa sa pinakamalaking broadcast network sa bansa.
Lalo na ngayon na nasa gitna ng pakikipaglaban laban sa pandemic na Coronavirus disease(COVID-19) kung saan labis na binibigyang importansya ngayon ang pagdaloy ng mga importanteng impormasyon.
Dagdag pa nito kung iisipin simula palamang umano, iginiit na ni Presidente Rodrigo Duterte na kahit anong mangyari haharangin nito ang franchise renewal ng nasabing network.
Samantala kinumpirma naman ni Espina na sa kabila ng nangyari ay patuloy nitong kakalampagin ang gobyerno pati narin ang kongreso hingil sa nasabing usapin.