Iginiit ng Office of the Ombudsman na hindi maaapektuhan ng pulitika ang paghawak nito sa mga reklamong isinampa laban kay Vice President Sara Duterte, dahil mahigpit umano itong nakabatay sa ebidensya.

Ayon kay Ombudsman Jesus Crispin Remulla, ang kanilang tanggapan ay hindi maaaring kumilos o maglabas ng hatol laban sa sinumang inaakusahan kung walang sapat at matibay na ebidensya.

Binigyang-diin niya na kahit ang proseso ng impeachment na tinatalakay sa Kamara, partikular sa House Justice Committee, ay bagama’t itinuturing na isang political process, ay nakasalalay pa rin sa ebidensya.

Dagdag pa ni Remulla, ang parehong prinsipyo ang sinusunod ng Ombudsman sa pagsisiyasat, kaya’t hindi dapat ikabahala ng publiko ang posibilidad ng impluwensyang pulitikal sa kanilang imbestigasyon.

Advertisement

Samantala, ibinahagi ni Assistant Ombudsman Atty. Mico Clavano na ang mga reklamong isinampa laban sa bise presidente ay kasalukuyang nasa fact-finding stage na. Aniya, naipagsama-sama na rin ang mga kaso dahil sa pagkakapareho at pagkakaugnay ng ilang petisyon.

Tiniyak din ni Clavano na maingat ang bawat hakbang ng kanilang tanggapan upang masiguro na walang nalalabag na batas habang isinasagawa ang imbestigasyon.

Idinagdag pa niya na isinasaalang-alang din ng Ombudsman ang kasalukuyang sitwasyon ng impeachment laban kay Duterte, lalo na kung ito ay umusad hanggang sa Senado.

Sa kabila nito, nagpapatuloy ang kanilang imbestigasyon habang sinusuri kung ano ang pinakaangkop na hakbang sakaling magbago ang takbo ng proseso ng impeachment.

Matatandaang nahaharap si Vice President Duterte sa mga reklamong graft, plunder, at korapsyon na inihain ng ilang civil society groups at indibidwal, kabilang si Antonio Trillanes IV.

Advertisement