Nagbigay ng ultimatum si Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla kay House of Representatives Secretary General Cheloy Garafil kaugnay ng isinagutang subpoena ng tanggapan ng Ombudsman para sa dokumento na kinakailangan sa imbestigasyon.
Sa inisyal na kautusan, partikular na layon ng Ombudsman na makakuha ng kopya ng Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) ni House Deputy Secretary General Sofonias Gabonada Jr. Ayon kay Remulla, kung hindi matutugunan ang direktiba ngayong linggo, nakatakda siyang suspindihin si Garafil mula sa kanyang posisyon at sinabing magkasubok sa legal system kung kinakailangan.
“At sa linggong ito, pag hindi namin nakuha yung mga SALN na una naming hiningi, sususpendihin ko po siya mula sa posisyon,” ani Remulla. “Magkasubukan na po ang ating legal system kung ito po ang kinakailangan,” dagdag pa niya.
Ayon kay Remulla, hindi pinapansin ng tanggapan ng House Secretary General ang inisyal na subpoena, kaya’t pinuna niya ang kanilang kakulangan sa pagtugon.
Sa kabilang banda, paglilinaw ni Sec-Gen. Garafil, ginagalang umano ng kanilang opisina ang Ombudsman at wala silang intensyong ipakita ang kawalang-galang o iwasan ang komunikasyon mula sa tanod-bayan.
Kinumpirma naman ni Assistant Ombudsman Atty. Mico Clavano na natanggap at naisilbi na sa tanggapan ang subpoena. Naniniwala ang Ombudsman na ang kopya ng SALN ay may mahalagang papel sa kasalukuyang imbestigasyon na isinasagawa ng tanggapan.














