Ipinatawag ng House of Representatives of the Philippines justice panel si Ombudsman Jesus Crispin Remulla upang tumestigo sa nagpapatuloy na impeachment hearing laban kay Vice President Sara Duterte, partikular hinggil sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN).
Sa inilabas na subpoena ad testificandum et duces tecum, inatasan ng komite na pinamumunuan ni Batangas 2nd District Rep. Gerville Luistro si Remulla na dumalo sa pagdinig sa Abril 14, alas-10 ng umaga, sa Kamara sa Quezon City.
Inutusan din ang Ombudsman na dalhin ang mga SALN ni Duterte mula 2007 hanggang 2013, 2016 hanggang 2022, at 2022 hanggang 2025 bilang bahagi ng imbestigasyon.
Ayon sa komite, layunin ng mga dokumentong ito na masuri ang kabuuang deklarasyon ng yaman, pananagutan, at net worth ng Bise Presidente mula nang siya ay magsimula sa serbisyo publiko hanggang sa kasalukuyan.
Pinayagan si Remulla na samahan ng legal counsel sa pagdinig, ngunit nilinaw na limitado lamang ito sa pagbibigay ng payo at hindi maaaring makialam sa proceedings. Nagbabala rin ang komite na ang hindi pagsunod sa subpoena ay may kaakibat na parusa ayon sa batas.
Samantala, dalawa ang kasalukuyang impeachment complaints laban kay Duterte—ang isa ay inihain ni Reverend Father Joel Saballa at inendorso ni Leila de Lima, at ang isa naman ay inihain ni abogado na si Nathaniel Cabrera at inendorso ni Manila Rep. Bienvenido Abante Jr. at Deputy Speaker Paolo Ortega V.
Kabilang sa mga paratang laban sa Bise Presidente ang umano’y maling paggamit ng P612.5 milyong confidential funds, pagbabanta sa buhay ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at kanyang pamilya, at pagkakaroon ng hindi maipaliwanag na yaman.














