NAGA CITY – Pinagpaplanuhan na ngayon ng pamahalaang panlalawigan ng Camarines Sur ang pagkakaroon ng one hospital command system bilang sagot sa kakulangan ng bed capacity.

Una rito, nagpababa na ng abiso ang Bicol Medical Center (BMC) hinggil sa pagkapuno ng kanilang isolation wards kaugnay pa rin ng patuloy na pagkalat at pagtaas ng kaso ng COVID-19.

Sa naging pahayag ni Dra. Natalie Lazaro, Chief ng Bicol Medical Center Public Health Unit sa isinagawang press conference ng nasabing ospital, sinabi nito na nagpulong na ang pamahalaang panlalawigan upang pag-usapan ang estado ng mga isolation facilities sa lugar.

Aniya, kasama na dito ang mandato sa pagdagdag ng mga isolation facilities sa mga bayan gayundin ang pagpayag ng Municipal Health Office (MHO) sa pagsasailalim sa home isolation ng ilang mga tauhan nito.

Advertisement

Samantala, kinumpirma rin ni Lazaro na sa ngayon, puno na ang isolation facility sa Banasi, Bula kung kaya hangad na lamang nito ang kooperasyon at pagtutulungan ng mga Local Government Units sa lalawigan.

Sa ngayon, tinutulungan na rin umano ng provincial government ang mga natukoy na mga maliliit na bayan o mga lugar na walang isolation facilities, kung saan kinakailangan lamang umano ng mga ito na makipag-ugnayan sa pamahalaang panlalawigan upang mabigyan ng karampatang asistensiya.

Advertisement