NAGA CITY – Arestado ang isang opisyal ng gobyerno matapos ang isinagawang entrapment operation ng National Bureau of Investigation (NBI) sa lungsod ng Naga.

Kinilala ang suspek na si Servino Cortez, abogado ng Optical Media Board (OMB) at pawang residente ng Maynila.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Investigation Agent Joey Ajero ng NBI- Naga District, sinabi nito na nagsimula ang nasabing operasyon ng mag file ng complaint ang may-ari ng isang tindahan ng cellphone accessory sa nasabing lungsod.

Aniya, naging subject sa raid ng Manila-based OMB ang nasabing kung saan narekober dito ang mga pekeng SD card.

Advertisement

Kaugnay nito, humingi umano ng P500,000 ang OMB sa nasabing tindahan gayundin sa mga katabi rin nitong tindahan ng mga cellphone accessories.

Kasunod nito, matapos umano ang isinagawang negosasyon, mula sa kalahating milyon bumaba ito sa P350,000 kung saan ang suspek mismo ang tumanggap ng nasabing pera.

Ngunit pinabulanan umano ito ng pamunuan ng OMB, at sinabing hindi nila alam ang ginawa ng kanilang kasamahan.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, narekober kay Cortez ang P350,000 na binayad ng naturang complainant.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga otoridad ang suspek at mahaharap sa kasong robbery, extortion at paglabag sa kasong Republic Act No. 3019 o ang Anti-Graft and Corrupt Act

Advertisement