NAGA CITY – Umaasa ngayon ang mga kasamahan at supporters ni Vice President Leni Robredo na tatanggapin nito ang alok ni Pangulong Duterte na pagiging drug czar.
Ito’y kasunod ng pormal ng pagpapalabas ng kautusan ng Pangulo sa pamamagitan ni Exec. Secretary Salvador Medialdea.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga ki Naga City Former Councilor Julian Lavadia na malapit sa pamilya Robredo, naghihintay pa aniya ngayon ng Office of the Vice President ng sinasabing papel na naglalaman ng nasabing kautusan.
Kuwento ni Lavadia, agad siyang tumawag sa opisina ng Pangalawang Pangulo upang kumpirmahin ang nasabing balita ngunit hanggang ngayon ay wala pa naman umanong natatanggap ang mga ito.
Sa kabila nito, kumpiyansa ang dating konsehal na magagampanan ni Robredo ang nasabing tungkulin.
Sakali man aniyang hindi tanggapin ni VP Leni ang alok, ito lamang aniya ang makakapagpaliwanag ng mga dahilan.
Sa ngayon nakaabang lamang aniya sila sa mga susunod na hakbang na gagawin ng opisyal.