NAGA CITY- Bagama’t wala naman aniyang mga Bicolano na nasa Iraq at Iran sa ngayon, tiniyak parin ng Overseas Workers’ Welfare Administration(OWWA)- Bicol na bukas silang tumulong sa kahit anong paraan para maisalba ang mga OFWs na nananatili sa naturang mga lugar.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Rowena Alzaga, tagapagsalita ng OWWA-Bicol, sinabi nitong sa ngayon, hinihintay na lamang nila ang magiging desisyon ng Department of Foreign Affairs (DFA) at Department of Labor and Employment (DOLE) para maisalba ang mga Pinoy sa nag-iinit na tensyon sa Middle East.
Ayon kay Alzaga, walang bilateral agreement na nilagdaan sa naturang mga lugar kung kaya tiyak na mga undocumented OFWs ang nakapasok sa nasabing lugar para magtrabago.
Sa kabila nito, tiniyak ni Alzaga sa publiko na ginagawa ng gobyerno ang lahat na makakaya para matiyak na walang Pinoy ang maiipit sakaling mas lumala pa ang sitwasyon sa naturang mga lugar.