NAGA CITY – Nakumpiska ang aabot sa P1.7 milyon na halaga ng ilegal na droga mula sa tatlong drug personality sa isinagawang high impact operation sa Zone 1, Brgy. Del Rosario, Naga City.
Kinilala ang mga suspek na sina Michael Roman, 33-anyos, residente ng Zone 7 Bula, Camarines Sur; Melvin Ocampo, 38-anyos, residente ng San Nicolas 1 Bacoor, Cavite at Danilo Papa, 58-anyos, residente ng Progressive 8 Molino Dos, Bacoor City Cavite.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PSMSgt. Toby Bongon, tagapagsalita ng Naga City Police Office, sinabi nito na sa halagang P75,000, naikasa ang operasyon kontra sa nasabing mga suspek na nagresulta sa pagkakaaresto ng mga ito matapos na makabili ang nagpanggap na posuer buyer ng isang plastic sachet ng pinaniniwalang shabu sa nasabing mga drug personality.
Samantala, sa pagrekisa pa ng mga otoridad, nakuha pa ang isang knot tied plastic sachet ng pinaniniwalaang shabu kay Roman na mayroong bigat na 200 grams; isang plastic sachet ng shabu naman ang nakuha kay Ocampo na mayroong bigat na 5 grams at isa namang plastic sachet ng shabu ang nakuha kay Papa na mayroong bigat na 5 grams.
Sa kabuuan, tinatayang mayroong bigat na 25 grams ang mga nakumpiska na shabu sa mga suspek at nagkakahalaga ng P1,700,000.
Sinaysay pa ni Bongon na maikokonsidera bilang high impact operation ang nasabing operasyon dahil sa malaking halaga ng nakuha mula sa mga suspek.
Dagdag pa ng opsiyal na sa buong taon ng 2022, umabot na sa tatlong kilong shabu ang nakumpiska ng NCPO mula sa kanilang operasyon na may kabuuang 117.
Umabot naman sa P20 milyon ang halaga ng nakumpiska ng mga ito na ilegal na droga mula sa nasabing mga buybust operations.
Sa ngayon, nagpaabot nalang ng pasasalamat ang opisyal sa lahat ng mga nagbigay ng impormasyon sa kapulisan tungkol sa mga nasabing aktibidad at nangako na patuloy nilang gagawin ang kanilang trabaho kahit na sa panahon ng Holiday Season.