NAGA CITY – Umabot na sa P1-M ang halaga ng patong sa ulo ng hindi pa nakikilalang suspek sa pamamaril-patay sa isang personal staff ni incumbent Mayor Marco Chavez sa bayan ng San Jose, Camarines Sur.
Mababatid na dakong ala-1 ng madaling araw, Marso 31, 2022 nang binawian ng buhay ang biktima na si Jonathan Clidoro, 43-anyos, dating barangay kapitan ng Catalotoan sa naturang bayan.
Kung maaalala, pinagbabaril ang biktima ng hindi pa nakikilalang suspek sa may bahay nito bandang alas-2:10 ng hapon noong Miyerkules, Marso 30, 2022.
Kaugnay nito, nagpalabas na ng P1-M pesos na pabuya si Camarines Sur 2nd District Representative Lray Villafuerte para sa makakapagbigay ng impormasyon sa pagkakakilanlan at kinaroroonan ng suspek na nasa likod ng pamamaslang.
Napag-alaman din na tatlong araw na ginamot sa Bicol Medical Center ang biktima matapos magtamo ng limang tama ng bala ng 9mm na baril.
Samantala, sa pahayag naman ni PLt. Noe Banaay Balantes hepe ng San Jose PNP, patuloy pa ang kanilang isinasagawang imbestigasyon para sa pagkakadakip ng suspek.
Kaugnay nito, hustisya naman ang sigaw ng apat na anak ni Clidoro gayundin ang mga kasama nito sa trabaho.
Nagpaabot naman ng pakikiramay ang malalapit na kaibigan at kamag-anak ng biktima.
Panawagan naman ng alkalde ng bayan ng San Jose sa PNP provincial director na pangunahan ang pagtugon sa insidente.
Sa ngayon, pinag-uusapan ng PNP at COMELEC kung posibleng ipasailalim sa election watchlist ang bayan ng San Jose dahil sa posibilidad na election related ang naturang insidente.