NAGA CITY- Umabot na sa mahigit P10-M ang nakumpiska na iligal na droga sa mga isinagawang operasyon ng mga kapulisan ng Naga katuwang ang iba pang law enforcement unit sa loob pa lamang ng isang linggo ngayong buwan ng Enero, 2024.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Naga kay PLt.Col Dario Sola, Deputy City Director for Operations ng Naga City Police Office, sinabi nito na ang mga naturang supply ang galing mula sa labas ng Bicol at ibebenta sa lungsod at mga karatig na bayan at probinsya.
Ayon pa sa opisyal na sa nasabing mga operasyon mayroon silang mga nadakip na mga high value target individual na siya rin ang nagsusupply sa lungsod ng Naga.
Aniya, maski tapos na ang Pasko at Bagong Taon patuloy pa rin ang kanilang mahigpit na pagbabantay upang tuloyan ng mawala ang iligal na droga sa lungsod.
Sa ngayon ay hinihikayat na lang ng opisyal ang mga taong nasasangkot sa ganitong iligal na aktibidad na mag bagong buhay na at huwang sayangin ang kanilang mga buhay.
Dapat rin umanong huwag iasa sa iligal na droga ang kanilang pangkabuhayan dahil wala rin itong magandang maidudulot sa kanilang mga buhay.
Binigyan-diin rin ng opisyal na malaking tulong ang pagsasanib pwersa ng iba’t-ibang law enforcement agencies dahil nagreresulta ito sa matagumpay na operasyon. Dahil hindi lang umano ito nakakadagdag sa mga tauhan o manpower bagkus maging sa mga impormasyon at komunikasyon.