NAGA CITY – Umabot na sa P13.6M ang kabuuang halaga ng pinaniniwalaang shabu na nakumpiska ng mga otoridad sa apat katao sa Brgy. Triangulo sa lungsod ng Naga kagabi.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay King Lusero, Provincial Officer ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)- CamSur, sinabi nitong dalawang magkasunod na operasyon ang isinagawa nila kagabi kung saan unang nahuli si Salic Magoraon na mula pa sa Sta. Mesa, Manila at nakuhanan ng nasa P6.8M na halaga ng pinaniniwalang shabu.
Matapos ang ilang oras sunod na nahuli ang tatlong drug personality na sina Paul Malonzo , Jericho Molanos, at Neihruchiadnizzar Asis na nakunan din ng P6.8M halaga ng shabu.
Ayon kay Lucero, base sa nakalap nilang impormasyon isa sa mga inmate sa loob ng New Bilibid Prison (NBP) ang patuloy na nagpapagalaw ng transaksyon ng iligal na droga na ikinakalat sa probinsya.
Sa ngayon, nananatili na sa kustodiya ng mga otoridad ang suspek habang hinahanda na ang kasong isasampa laban sa mga suspek.