NAGA CITY – Timbog ang isang lalaki sa buy-bust operation sa San Luis Street, Brgy 8, Lucban, Quezon.

Kinilala ang suspek na si Jefferson Mancenido Abogado alyas “Boss Jeff”, 35 anyos, residente ng Katipunan Subd, Brgy 1 sa nasabing lugar.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office (QPPO), nabatid na naaresto ang suspek matapos na makabili ng limang piraso ng heat sealed transparent plastic sachet ng pinaniniwalaang shabu ang isang pulis na nagpanggap bilang poseur buyer.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, nabatid na narekober sa suspek ang tinatayang nasa 25 gramo ng pinaniniwalaang shabu na nagkakahalaga ng P170,000 at mga drug paraphernalia.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga otoridad ang suspek para sa karampatang disposisyon.