NAGA CITY- Itinaas na sa P20,000 pesos at dalawang baka ang iniaalok na pabuya nang may-ari ng nawawalang aso na si Sakura sa Barangay Telegrafo sa bayan ng San Jose, Camarines Sur.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga, kay Prof. Emmanuel Onsay, Assistant Professor IV, PARSU Main Campus at furparent ng aso, sinabi nito na nawawala ang kanyang alagang si Sakura simula noong nakaraang Sabado, Marso 22, 2025. Pasado alas-tres ng madaling araw, umalis ang aso sa kanilang bahay at hindi na nakita mula noon.
Ayon kay Onsay, agad silang humingi ng tulong sa pamamagitan ng pag-blotter sa PNP San Jose at inikot ang lahat ng barangay sa nasabing bayan para sa mabilisang paghahanap sa kanyang alagang si Sakura.
Binigyan-diin ng Professor na determinado itong ibigay ang reward na nagkakahalaga ng 20,000 pesos, dalawang baka bilang pabuya sa sinumang makapagbabalik sa kay Sakura.
Sinabi pa ng furparent na ang nawawala nitong alagang aso ay espesyal na nailigtas nito mula sa isang unibersidad sa bayan ng Goa kung saan ito nagtatrabaho, 9 na taon na ang nakakaraan.
Inalagaan nito ang aso at itinuring itong miyembro ng kanilang pamilya dahil sa mabait at matalinong pag-uugali nito.
Itinuring din ni Onsay na blessing si Sakura kaya gagawin aniya nito ang lahat upang mahanap ang alagang aso.
Sa ngayon, umaasa na lamang si Onsay na sa tulong ng mga reward, mas magiging mabilis pa ang paghahanap kay Sakura.