NAGA CITY – Nasamsam ng mga awtoridad ang nasa P3.4-M na halaga ng iligal na droga sa isang drug personality sa isinagwang buy-bust operation sa San Juan St., Brgy Peñafrancia, Naga City.
Kinilala ang suspek na si Eymard Rey Batan, 43-anyos, residente ng Zone 3, ng nasabing lugar.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay IAV Mark Anthony Viray, Provincial Officer ng PDEA Camarines Sur, sinabi nito na isa si Batan sa mga malalaking bodegero ng iligal na droga sa lungsod ng Naga, na nagsusupply din sa iba pang mga karatig na bayan.
Dagdag pa ng opisyal, dati na rin umanong sumuko ang suspek ng kasagsagan ng Oplan Tokhang at posibleng na-relax na ito dahil sa papalapit na pagbaba sa pwesto ni Pangulong Rodrigo Duterte na naging dahilan naman para bumalik ito sa iligal na aktibidad.
Kaugnay nito, nakabili ang nagpanggap na posuer buyer sa suspek ng dalawang knot tied transparent plastic bag ng nasabing iligal na droga na may bigat na kalahating kilo na nakakahalaga naman ng P3,400,000 gamit ang 500 peso bill at pekeng pera na ginamit bilang boodle money.
Maliban sa buybust item, nakumpiska pa sa suspek ang iba pang mga drug paraphernalia.
Sa kabila nito, naging matagumpay din umano ang nasabing operasyon sa pamamagitan ng pinagsanib pwersa ng PDEA-Sorsogon, PDEA-Masbate at PDEA-CamSur sa tulong na rin ng Naga City Police Office (NCPO).
Ngunit, ayon pa kay Viray halos apat na buwan din nilang minanmanan ang galaw ni Batan bago tuluyang ikasa ang operasyon laban dito.
Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga otoridad ang suspek para sa karampatang disposisyon kung saan tiniyak din ni Viray na hindi na ito makakalabas pa sa bilangguan.