NAGA CITY – Nagpapatuloy ang isinasagawang kampanya laban sa iligal na droga ng Naga City Police Office (NCPO) sa nasabing lungsod.
Maaalala, mayroong nakumpiskang P3.4-M na halaga ng ipinababawal na gamot mula sa suspek na kinilalang si Quincy Nieto, tatlumput-pitong taong gulang, residente ng Housing II, Brgy Monserrat, Magarao, Camarines Sur, sa isinagawag buy-bust operation sa Zone 7, San Rafael, Cararayan, Naga City.
Sa naging pagharap sa mga kagawad ng media ng Naga City Police Office, sinabi ni PMaj. Crisanto Romero, Station Commander ng NCPO Station 6, na inihahanda na nila ang karampatang mga dokumento para sa pagsasampa ng kaso laban dito.
Dagdag pa nito na hinihintay na lamang nila ang resulta ng laboratory test ng suspek.
Napag-alaman rin na walang permanenteng trabaho si Nieto at nagtungo lamang ito sa lungsod ng Naga ng magkasundo na magkaroon ng transaksyon sa nasabing lugar.
Maiikonsidera rin naman umano na isang bigtime drug personality ang suspek.
Samantala, paglilinaw naman ni PLt. Col. Dario Sola, Deputy City Director for Operations ng NCPO, na hindi naman ibig sabihin na drug cleared na ang isang barangay, ay hindi na ito binibigyang pansin.
Aniya, kailangan pa rin nilang ipagpatuloy ang monitoring sa lugar katuwang ang mga Barangay Anti-Drug Abuse Council (BADAC) ayon na rin sa direktiba sa kanila. Maliban pa dito, nandoon rin naman umano ang validation ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa ganitong klaseng mga hakbang at aktibidad.
Ibig lamang umanong sabihin na hindi lamang sa pagsusumikap ng kapulisan kundi sa tulong na rin ng iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan nagiging matagumpay ang kanilang mga operasyon at programa.
Ayon pa sa opisyal, nagpapatuloy rin ang isinasagawa nilang mga programa katulad na lamang ng pagtuturo upang magkaroon ng sapat na kaalaman ang publiko hinggil sa iligal na droga.
Kaugany nito, regular rin umano ang pag-a-update at pagrereport ng lahat ng mga stations ng NCPO hinggil sa mga lugar na una nang naideklarang drug-cleared. Maliba pa dito, nasa kanila rin umano ang listahan ng iba pang mga barangay na candidate for drug clearing operation at patuloy na pinagsusumikapan na magiging cleared na rin ang mga ito sa iligal na droga.