NAGA CITY – Isang araw bago ang Traslacion Procession ng mga imahe ni Nuestra Señora de Peñafrancia at El Divino Rostro, aabot sa P3.4M ng pinaniniwalaang shabu ang nakumpiska ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa drug operation sa Naga City.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Enrique ‘King’ Lucero, Provincial Officer ng PDEA-CamSur, sinabi nitong, posibleng planong ipakalat ang nakumpiskang 500 grams na shabu sa gitna ng malaking aktibidad sa lungsod.
Maliban dito, naniniwala rin si Lucero na may koneksyon ang suspek na si Matias Matute sa mga drug lords sa New Bilibid Prision kung saan nanggagaling ang mga drogang nakukumpiska sa Naga at Camarines Sur.
Samantala, sa hiwalay na panayam kay Matute, nanindigan ito na hindi talaga siya ang subject ng PDEA kundi ang isang Amy Cuenia na nakisakay lamang aniya sa kanyang minamanehong motorsiklo.
Aminado naman si Matute na dati siyang nasangkot sa pinagbabawal na gamot ngunit matagal na aniyang siyang sumuko sa mga otoridad.
Sa ngayon, nananatili na sa kustodiya ng mga otoridad ang suspek para sa karampatang disposisyon.