NAGA CITY- Sa kulungan ang bagsak ng dalawang suspek matapos mahulihan ng halos P3M na halaga ng pinaniniwalaang shabu sa Sitio Watawat
Brgy. Taburan Sta. Elena Camarines Norte.

Kinilala ang mga suspek na sina Marlon Abueva 25-anyos residente ng Padre Burgos Quezon at Anaclito Aquino 47-anyos ng Brgy. Banga, Ragay
Camarines Sur.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga sa Provincial Officer ng Philippine Drug Enforcement Agency PDEA-CamNorte na si Agent Vidal Bacolod, sinabi
nitong nahuli ang mga suspek sa pinag-isang pwersa ng PDEA- Camarines Norte, PDEA- Camarines Sur at Camarines Norte Police Provincial Office
CNPPO

Nakumpiska ng mga otoridad ang dalawang plastic bag na may lamang humigit kumulang 500 gramo ng pinaniniwalaang shabu na nagkakahalaga ng
P3M.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga otoridad ang mga suspek habang patuloy na iniimbestigahan kung sino ang supplier ng mga ito.

Una rito, nabatid na dating parehong truck driver ang dalawa na pinaniniwalaang courier ng droga.