NAGA CITY- Tinatayang aabot sa P51,000 na halaga ng pinaniniwalaang shabu ang nakumpiska ng mga otoridad sa isang lalaki matapos ang isinagawang buy-bust operation sa Sitio Calumpit Barangay Talisay, Tiaong Quezon.
Kinilala ang suspek na si Jayson De Lima Losada, 37-anyos, residente ng Brgy Laguna, Gumaca, sa naturang lalawigan.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office (QPPO), nabatid na nahuli sa akto ang suspek na nagbebenta ng isang piraso ng hinihinalang shabu na nasa 0.85 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng P17,340.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, narekober pa sa suspek ang dalawang piraso ng heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng pinaghihinalaang shabu na may bigat na 2.50 gramo at tinatayang nagkakahalaga naman ng P51,000 gayundin ang isang balisong.
Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga otoridad ang suspek habang inihahanda na ang kasong isasampa laban dito.