Tinatayang aabot sa P56 milyon ang halaga ng mga ilegal na droga na nasabat ng Bureau of Customs sa Ninoy Aquino International Airport noong Lunes.

Ayon sa BOC, nadiskubre ng mga awtoridad ang 14 na abandonadong parcel na naglalaman ng iba’t ibang uri ng ipinagbabawal na gamot. Kabilang sa mga nakumpiska ang shabu o methamphetamine hydrochloride, marijuana, opium poppy, at 100 vape cartridges na may laman umanong liquid marijuana.

Sinabi ng ahensya na ang mga nasabat na kargamento ay nagmula sa United States at iba’t ibang bansa sa Asya at Europa.

Ayon kay Ariel Nepomuceno, patuloy na ginagamit ng mga sindikato ang parcel at air cargo shipments bilang paraan upang makapagpuslit ng ilegal na droga papasok sa bansa.

Advertisement

“Patuloy nating babantayan at pananagutin ang mga nasa likod ng mga iligal na aktibidad na ito,” ayon sa opisyal.

Agad namang isinuko ng BOC ang mga nakumpiskang droga sa Philippine Drug Enforcement Agency para sa kaukulang pagsusuri, imbestigasyon, at disposisyon.

Samantala, nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang mga taong nasa likod ng mga abandonadong parcel at posibleng sangkot sa tangkang pagpupuslit ng ilegal na droga sa bansa.

Advertisement