NAGA CITY – Aabot sa ₱600-K ang natangay ng mga hold-upper sa dalawang ahente ng sigarilyo sa lalawigan ng Camarines Sur.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PMaj. Elizalde Calingacion, hepe ng Canaman Municipal Police Station, sinabi nito na nangyari ang insidente sa Barangay Poro, sa nasabing bayan.
Aniya, umihi lamang umano ang dalawang sales representative na sina Russel Dominguez, 31-anyos, residente ng bayan ng Pili, sa nasabing lalawigan at Teofilo Urbano Jr., 49-anyos, residente ng Naga City.
Napag-alaman na bigla na lamang dumating ang hindi pa nakikilalang dalawang suspek na armado ng kutsilyo at baril at nagdeklara ng hold-up.
Kaugnay nito, natangay ng mga suspek ang pera na nagkakahalaga ng nasa ₱600-K, cellphone, at ang dash camera ng sasakyang ginamit ng mga biktima.
Dagdag pa Calingacion, hindi na nagawang matukoy pa ng mga biktima kung ano ang ginamit na sasakyan ng mga suspek at wala rin naman umanong nakuhang CCTV footages ang PNP dahil kakaunti lamang ang bahay sa pinangyarihan ng insidente.
Samantala, ayon naman sa imbestigasyon ng mga awtoridad posibleng matagal nang minamanmanan at pinagplanuhan ng mga suspek ang krimen dahil regular umano sa lugar ang mga biktima.
Ngunit ayon pa sa hepe, hindi pa rin umano nila inaaalis ang posibilidad ng insidente ng “hold-up me”, ito’y matapos na malaman na mayroong polisiya ang kompanya na nasa P100-K pa lamang ay dapat ma-i-remit na ito ng sales.
Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad hinggil sa nasabing insidente.