NAGA CITY- Naitala ng Department of Agriculture-Bicol ang P61.9-M na danyos o pinsala sa sektor ng Agrikultura sa Bicol Region noong nakaraang buwan ng Enero dahil sa walang humpay na pagbuhos ng ulan dulot ng Shear line.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Lovella Guarin, Spokesperson ng DA-Bicol, sinabi nito na batay sa kanilang datus sa buong buwan ng Enero, umabot sa P61.9 milyon ang naging pinsala ng pag-uulan na naranasan kung saan pinakamarami dito sa rice areas nang Camarines Norte, Camarines Sur Albay maging sa may bahagi ng Catanduanes na umabot sa P44.5 milyon.
Maliban dito, umabot rin sa P6.4 milyon ang pinsala na idinulot ng pag-uulan sa maisan sa bahagi ng Camarines Sur at Albay habang umabot naman sa P90,000 ang pinsala sa livestock.
Maaalala, nakaranas ng pagbaha ang ilang lugar sa Bicol Region dahil sa pagbuhos ng malakas na ulan na umabot ng halos isang buwan.
Kaugnay nito, muling binigyang diin ni Guarin na patuloy naman ang pagbibigay ng asistensiya ng DA-Bicol sa mga magsasaka na lubang naapektuhan ng pag-uulan gaya na lamang ng pagbibigay ng libreng binhi sa mga ito.
Hinikayat din ng opisyal ang mga local farmers na magparehistro sa Registry System for the Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) at sa Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC) upang mayroong makuhang tulong at maging insured ang kanilang mga pananim.
Samantala, patuloy rin ang pagbabantay ng nasabing ahensiya sa lagay ng panahon lalo’t patuloy na nakakaranas ng pag-uulan sa buong Rehiyong Bicol.
Sa ngayon, patuloy naman ang mga hakbang na ginagawa ng DA-Bicol upang maibigay na ang financial assistance na umaabot sa P7,OOO para sa mga magsasaka na nakarehistro sa Registry System for the Basic Sectors in Agriculture.