NAGA CITY – Halos apat na araw nang naglalakad ang ilang mga Bicolano na mula pa sa Metro Manila pauwing Bicol Region dahil sa mas pinahigpit na enhanced community quarantine sa Luzon.

Sa ipinaabot na impormasyon sa Bombo Radyo Naga ni Sharny Orosco Delmiguez , sinabi nitong Marso 22 pa ng umalis sa Quezon City ang kanyang ama na si Ricky Orosco na nagtatrabaho sa isang construction site ngunit dahil sa community quarantine pinahinto muna ang patrabaho.

At dahil sa naparalisa na ang byahe, kung kaya nagpasya na lamang ang naturang padre de pamilya na maglakad pauwi sa bayan ng Bula, Camarines Sur.

Ngunit pagdating sa bayan ng Del Gallego sa parehong lalawigan, na-stranded na ito kasama ang 15 iba pa dahil hindi na aniya pinapayang makapasok sa naturang bayan ang nasabing mga indibidwal na mula sa NCR.

Sa ngayon, nanawagan si Delmiguez sa mga otoridad na tulungan ang nasabing mga indibidwal kasama ang kanyang ama na makauwi hanggang sa kanilang bahay.

Kung maaalala una na ring humingi ng tulong sa Bombo Radyo ang isang grupo ng mga construction workers na mula sa Laguna na na-stranded din pagdating sa bayan ng Del Gallego.