NAGA CITY – Nagdulot ng takot sa mga mamamayan ng Russia ang pag-aklas ng mersenaryong grupo ng Wagner sa pamumuno ni Yevgeny Prisgozhin.

Sa report ni Bombo International News Correspondent Jay-R Amanti mula sa Tolyatti Moscow, Russia, sinabi nito na nagpanic ang mga tao sa buong bansa lalo na ng maglinyada na ang mga tankeng pandigma sa mga kalsada ng mga lungsod upang mapigilan ang pag-abante o pag-aklas ng grupo.

Maaalala, ang Wagner Group ay isang paramilitar na organisasyon na nakipaglaban kasama ang mga pwersa ng Moscow sa Ukraine na kung saan binigayang-diin ni Yevgeny Prisgozhin na nagsinungaling ang Russia sa publiko hinggil sa dahilan ng kanilang paglusob sa Ukraine, lalong-lalo na sa Kyiv.

Inakusahan rin ng Wagner ang mga opisyal ng Russia na sinadya silang targetin ng missile strike, kung saan maraming miyembro ng kanilang grupo ang binawian ng buhay.

Agad naman na itinanggi ng mga awtoridad at ni Russian President Vladimir Putin ang akusasyon ng grupo at sinabi na itigil na ni Prigozhin ang umano’y iligal na mga aktibidad ng mga ito.

Ayon pa kay Amanti, humupa na rin ang tensyon sa lugar matapos na pumagitna ni Belarus President Alexander Lukashenko at nakiusap na itigil na ang nasabing rebelyon.

Bilang resulta, pinull-out na ng Wagner ang tropa ng mga ito matapos na iurong ang lahat ng initial charges na sinampa laban kay Prigozhin at sa lahat ng miyembro ng nasabing grupo.

Sa ngayon, umaasa ang mga Russian na hindi na mas iinit pa ang kaguluhan sa kanilang bansa sa lalong madaling panahon.