NAGA CITY- Inihahanda na ang mga dokumentos na kakailanganin sa pag-uwi sa Camarines Sur ng OFW na si Richelda Avila na binugbog ng sariling amo sa Saudi Arabia.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay kapitan Andy Barrios, ng Binanuaanan Grande, Calabanga ng naturang lalawigan, sinabi nito na nakipag-ugnayan na ang Local Government Unit at Department of Social Welfare and Development (DSWD)- Calabanga sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) para sa mas madaling transaksiyon.
Samantala, napag-alaman naman na nagkaroon umano ng hindi pagkakaunawan si Avila at ang amo nito ngunit hindi pa din aniya malinaw ang buong kwento sa likod nito.
Dagdag pa nito, nalaman lamang nila ang kalalagayan ng biktima dahil sa isang nurse mula sa ospital na pinagdalhan dito.
Sa ngayon, nakalabas na rin ng ospital si Avila at hinihintay na lamang ang kaniyang pag-uwi.
Sa kabila nito, tiniyak naman nila na mananagot ang may kagagawan sa pambubugbog sa naturang OFW.