NAGA CITY- Binigyan-diin ng alkalde ng Naga City na malaking tulong para sa lungsod ang naging pagbisita ni President Bongbong Marcos Jr., kahapon lalong lalo na sa mga naapektuhan ng bagyong Kristine.
Sa naging pagharap sa mga kagawad ng media ni Naga City Mayor Nelson Legacion, sinabi nito na nagkakahalagang P30-M ang ibinahaging tulong ng Gobyerno National sa pangunguna ni Pangulong Bongbong Marcos Jr., kaugnay ng pagbisita nito sa lungsod.
Aniya, dahil sa pagbisita ng Presidente, ay mas mapapadali ang tuloy-tuloy na pagtulong sa mga naapektuhan ng pananalasa ng bagyong Kristine.
Ihinalimbawa nito ang kanilang hiniling sa National Government na mga relief goods na dumating na sa lungsod.
Samantala, napansin naman ng Pangulo ang mabagal na paghupa ng baha, kaya naman dapat aniya matingnan ang mga programa at proyekto sa Bicol River Basin. “Double Ondoy” kung isinalarawan ng pangulo ang ulan sa Naga na dala ng bagyong Kristine.
Kaugnay nito pinangunahan ng pangulo ang pamimigay ng cash assistance sa mga evacuess sa City Hall. At pinatitiyak ng Pangulo ang agarang tulong para sa Bicol Region.
Sa kabilang banda, nagpapatuloy parin ang search and rescue operation sa lungsod gayundin ang relief operation lalong lalo na sa mga barangay na hanggang ngayon ay lubog parin sa baha.
Kung saan, base sa kanilang inspection na mula sa 32 na barangay na nakaranas ng hagupit ng bagyo, nasa 8 na lamang ang lubog parin sa baha, kagaya na lamang ng Brgy. Mabulo, Brgy. Sabang, Brgy. Igualdad, Brgy. Abella, Brgy. Santa Cruz, Brgy. Bagumbayan Sur, Brgy. Tabuco at Brgy. Triangulo. Habang sa karatig na bayan naman ng lungsod tulad ng Milaor, Gainza, at Minalabac, ay lubog parin sa baha.
Iba’t-ibang ahensya naman ang magpapaabot pa ng tulong sa mga residente kasama na ang shelter assistance na pinag-usapan naman nila sa meeting kasama ang Presidente.