NAGA CITY- Bumisita sa lungsod ng Naga si Vice President Sara Duterte kahapon, Setyembre 20, 2024 kasabay ng isinagawang Centennial Canonical Coronation of Our Lady of Peñafrancia.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PLCOL. Chester Pomar, tagapagsalita ng Naga City Police Office, sinabi nito na hindi humingi ng security sa mga kapulisan ang ikalawang-Presidente ngunit otomatiko o nasa standard procedure naman na kailangan na magbigay ng seguridad sa mga VIP kapag bumisita sa lugar.
Maalala, spotted si VP Sara na nagsimba sa Metropolitan Naga Cathedral kagabi at ayon kay Atty. Barry Gutierrez personal na nakipagkita sa dating Bise-Presidente na si Atty. Leni Robredo.
Ang nasabing pagbisita ay kinumpirma mismo ni Robredo na kung saan sinabi na kanilang napag-usapan ang patungkol sa personal na bagay at hindi pulitika.
Matatandaan rin, inihayag ni Atty. Leni Robredo na tatakbo ito bilang Alkalde ng lungsod ng Naga para sa 2025 national and local election.
Batay naman sa ipinalabas na statement ni Vice President Sara, personal itong inimbitahan ng kanyang kaibigan upang dumalo sa centennial anniversary mass ng Canonical Coronation ni Ina Peñafrancia. Nakipagkita rin ito sa mga prominenteng personalidad sa Bicol Region.
Sa pangkabuuan, hindi nakadetalye ang buong lakad ng Vice President at sa ngayon, maayos naman na nakaalis ng lungsod ang nasabing opisyal.
Samantala, handang-handa na ang buong lungsod ng Naga para sa isasagawang fluvial procession mamayang hapon na kung saan inaasahan naman ang pagdagsa ng halos milyon na deboto