NAGA CITY – Nababahala ngayon ang Association of Concerned Teachers o ACT na magresulta sa lalo pang pagbagsak ng edukasyon sa Pilipinas ang kawalan ng sapat kahandaan para sa pagbubukas ng mga klase.
Mababatid na pormal nang binuksan ng Department of Education (DepEd) ang SY 2021-2022 noong Lunes, Setyembre 13, 2021 kasabay ng pahayag ni Sec Leonor Briones na naging matagumpay ito sa kabila ng hamon ng COVID-19 pandemic.
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Naga kay Raymond Basilio, Sec. General ng ACT, sinabi nito na hindi pa aniya natuto ang ahensya sa problema sa paghahanda ng pagbalik ng klase dahil kagaya pa rin aniya ng nakaraang taon ang pinoproblema ngayon ng sektor ng edukasyon.
Isa sa ipinunto ni Basilio ang kakulangan sa bilang ng mga self learning modules na ibabahagi ng mga guro sa mga mag aaral.
Kung saan ang mga guro pa aniya ang mismong gumagastos mula sa sariling bulsa upang maka imprinta lamang ng mga modules na kung tutuusin ay gobyerno ang dapat na sumagot sa mga pangangailangan ng mga ito.
Dagdag pa ni Basillo, hanggang sa ngayon hindi pa aniya binibigyan ng monthly internet allowance ang mga guro at kulang din aniya ang ibinibigay na gadgets at laptops na kinakailangan sa mga online classes sa kasagsagan ng pandemya.
Samantala, Setyembre 13, 2021 rin nang magsagawa rin ang mga ito ng “Sunrise Protest” sa bahagi Mendiola na layuning itala ang kanilang diskontento hinggil sa kawalan ng sapat na kahandaan at pondo ng gobyerno sa pagbalik ng mga klase.