NAGA CITY- Patuloy ang pagdagsa ng mga biyahero sa pantalan ng Pasacao Camarines papuntang Burias Island sa kabila ng nararanasang pag-ulan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PSSG. Joel Moriño, PCR, PNCO ng Camarines Sur Maritime Police Station sinabi nito na inaasahan nila ang pagdagsa ng mga pasahero hanggang sa darating na bagong taon.
Kaugnay nito, patuloy naman ang mahigpit na pagbabantay ng kanilang hepatura upang matiyak ang kaligtasan ng mga biyahero sa nasabing pantalan.
Ayon pa sa opisyal, kahit malaking volume ng tao ang patuloy na dumarating sa Pasacao port handa naman umano ang pamunuan ng pantalan at lahat naman ay na-aacomodate.
Dagdag pa ni Moriño, dumadaan sa masusing pag-check ang mga bagahe ng mga pasahero upang walang makapuslit na ipinagbabawal na kagamitan o peligrosong bagay.
Pinaalalahan rin ng opisyal ang mga pasahero na siguraduhing nababantayan ang kanilang mga bagahe lalo pa’t marami ang nakakasabay sa pagbiyahe.
Sa ngayon, binigyang diin ng opisyal na wala namang kanselasyon ng biyahe sa pantalan ng Pasacao papunta sa Burias Island kahit nakakaranas ng malalakas na pag-ulan.