Photo © web

Ipinahayag ng Department of the Interior and Local Government na naantala ang delivery ng mga bagong fire trucks dahil sa anti-corruption probe sa Bureau of Fire Protection, ayon kay Secretary Jonvic Remulla nitong Lunes.

Sa isang press briefing, inamin ni Remulla na ang crackdown sa mga anomalya sa loob ng BFP ang naging dahilan ng pagkaantala sa procurement ng mga fire trucks. “Part of this is my fault. Kasalanan ko ito, inaamin ko. Ang aking crackdown sa BFP ay nagresulta sa delay ng procurement ng mga fire trucks. Ngayon pa lang namin inuumpisahan iyan,” ani Remulla.

Ayon sa kalihim, inaasahang sisimulan ang procurement ngayong taon kahit na may mga hadlang at aberya dahil sa pagpapatupad ng mga reporma sa ahensya. “After getting to the bottom of it sa buong sindikato ng BFP, makakaasa kayo na ang binibiling fire trucks ay mag-uumpisa na sa taon na ito at mafu-fulfill namin ang lahat. Napakahirap ng reform agenda. Maraming tinatamaan,” dagdag niya.

Naalis sa puwesto ang dating BFP chief na si Fire Director Jesus Fernandez habang siya at isang pribadong supplier ay nahaharap sa mga kasong administratibo at kriminal sa Office of the Ombudsman kaugnay ng umano’y P14.752 milyon na kickbacks sa mga ambulance deal.

Advertisement

Ang kasalukuyang BFP officer-in-charge na si Fire Chief Superintendent Wilberto Rico Neil Ang Kwan Tiu ay nag-utos ng relief sa lahat ng fire safety inspectors (FSIs) sa Metro Manila bilang bahagi ng reporma. Aabot sa 902 fire inspectors sa rehiyon ang pinaalis matapos lumabas ang alegasyong patuloy silang sangkot sa ilegal na aktibidad gamit ang mobile phones kahit na required ang body cameras.

Dagdag pa ni Remulla, pansamantalang papalitan ng mga fire inspectors mula sa probinsya ang mga bakanteng posisyon habang nagpapatuloy ang reporma.

Advertisement