NAGA CITY- Hindi naramdaman ng mga Pilipino at mismong mga residente ng South Korea ang pagdeklar ng Martial Law ni South Korean President Yoon Suk Yeol.
Sa report ni Bombo International News Correspondent Lester Javier mula sa South Korea, sinabi nito na pasado alas 10:23 nito lamang Martes ideneklara ang nasabing martial law ngunit kaagad rin na binawi bandang alas 4:26 ng umaga ngayong araw, oras sa nasabing bansa dahil na rin sa mabilis na aksyon ng opposition.
Ibig sabihin, halos anim na oras lamang nagtagal ang Martial Law at sa nasabing durasyon halos lahat ng mga tao ay natutulog na at sa kanilang pagmulat kinaumagahan ay lifted na ang nasabing kautusan.
Ayon pa kay Javier, mayroong dalawang dahilan ang Presidente ng Korea sa pagdeklara nito nang nasabing martial law, una upang maiwasan ang pagpasok ng North korean forces at pangalawa, itigil ang mga anti government forces.
Ngunit ang mga dahilan na ito ni President Yoon Suk Yeol ang hindi umano katanggap-tanggap dahil mali ang kayang naging aksyonat sinira lamang umano ng Presidente ang sistema ng isang democratic country.
Ang pagdeklara ng martial law sa South Korea ay kailangang mapag-usapan ng mga cabinet members at National Council ngunit ang nabanggit na mga proseso ang hindi ginawa ni President Yoon kung kaya marami ang nagalit at nagulat dahil wala namang nararanasan na social unrest, assassination at iba pang malalang kaguluhan sa nasabing bansa.
Dahil dito, asahan na mas lalo pang titindi ang mga demonstrasyon at paghahain ng impeachment case laban sa Presidente.
Maaalala, si President Yoon ay maraming pagkakataon na ring naharap sa impeachment complaint dahil sa mga isyu na ibinabato dito at sa kanyang asawa kagaya ng pang-aabuso sa posisyon, kurapsyon lalo na ang stock manipulation.
Matapos na bawiin ang martial law declaration nananatiling normal ang buhay ng mga Pilipino, residente ng South Korea, on-going ang broadcast ng media, mayroong mga pasok sa eskwela ang mga bata, may pasok sa trabaho ang mga tao at walang pagbabago sa daily routine ng mga tao sa nasabing bansa.
Sa ngayon, tiniyak na lamang ni Javier na mabuti ang sitwasyon ng mga Pinoy sa South Korea ngunit hinikayat nito ang lahat na kailangang maging alisto at sumunod sa mga panuntunan ng South Korea batay na rin sa abiso mula sa Philippine Embassy .