NAGA CITY – Nakiisa sa Civic at Float parade si Sen. Francis Tolentino kaugnay ng pagdiriwang ng Peñafrancia Festival sa lungsod ng Naga.
Sa naging pahayag ng opisyal, sinabi nito na maituturing ang selebrasyon ngayong taon bilang pinakamalaking pagdiriwang pagkatapos ng COVID-19 pandemic.
Mababatid kasi na dalawang taong ipinagpaliban ang mga aktibidad kaugnay ng kapistahan dahil sa pandemya.
Ayon kay Tolentino, mapalad umano ang Naga lalo na sa tema ng kapistahan na “Journeying with Ina as we deepen our relationship with God in this challenging times” lalo na’t maituturing ding challenging times ang mga nangyayari ngayon sa bansa.
Ngunit naniniwala ito na sa pamamagitan ng paggabay ng Our Lady of Peñafrancia, palaging pagpapalain ang lungsod ng Naga at buong Bicolandia.
Dagdag pa ng Senador, ang pagdiriwang din na ito ay hindi lamang sa lungsod ng Naga at Bicol region kung hindi pati na rin sa buong Pilipinas.
Sa ngayon, binigyang-diin na lamang ni Tolentino na ang week long celebration na ito ng Peñafrancia Festival ay isang testamento ng pinakamataas na kagalang-galang at karangalan na iniaalay ng bawat deboto kay Inang Peñafrancia.