Pormal nang nagsimula ang paggunita ng Semana Santa ng mga mananampalatayang Katoliko sa bansa, kasabay ng pagdiriwang ng Linggo ng Palaspas o Palm Sunday.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Rev. Fr. Joey Gonzaga, Rector, sinabi nito na an ang Semana Santa ay hindi lamang nakasentro sa mga panlabas na tradisyon at simbolo gaya ng palaspas, kundi higit sa lahat ay isang paanyaya sa mas malalim na pananampalataya at pagbabagong-loob. Binigyang-diin niya na ang tunay na diwa ng banal na linggo ay makikita sa panloob na pagbabago ng bawat indibidwal at sa pagsunod sa kalooban ng Diyos.

Dagdag pa nito, bagama’t naging bahagi na ng kultura ng mga Pilipino ang pagdaraos ng mga pagtitipon ng pamilya at pagpunta sa mga pasyalan tuwing Semana Santa, mahalagang hindi makaligtaan ang tunay nitong layunin—ang pag-alala sa pag-aalay ng buhay ni Hesukristo para sa kaligtasan ng sangkatauhan.

Hinimok din ang publiko na gamitin ang panahong ito upang magnilay at magsagawa ng mga gawaing makakatulong sa kapwa, lalo na sa gitna ng umiiral na mga hamon at krisis sa lipunan.

Advertisement

Binigyan diin naman nito na ang Semana Santa ay nananatiling mahalagang panahon para sa espiritwal na pagninilay, pagbabagong-buhay, at pagpapakita ng malasakit sa kapwa.

Advertisement