NAGA CITY- Binigyang diin ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos Jr na malaking tulong ang pagkakadakip kay dismissed Bamban Mayor Alice Guo sa Indonesia upang mabigyang linaw kung paano ito nakapuslit ng bansa at maipaliwanag ang operasyon ng iligal na POGO sa Bamban, Tarlac.
Sa naging pagharap sa mga kagawad ng media ni DILG Sec. Benhur Abalos, kaagad na nakikipag-ugnayan ang Philippine National Police sa mga otoridad sa bansang Indonesia para sa mabilis na pagpapabalik kay Alice Guo sa Pilipinas.
Personal na susunduin ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos Jr. kasama si Philippine National Police (PNP) Chief PGen. Rommel Francisco Marbil si dismissed Bamban Mayor Alice Guo.
Ang nasabing hakbang ay batay sa inisyal na travel plans sa pagpapauwi sa sinibak na alkalde.
Ayon pa kay Abalos, mayroon rin na opsyon na ang mga otoridad mula sa Indonesia ang mag-e-escort pabalik ng bansa kay Guo.
Tulad aniya ng naging proseso kina Shiela Guo at Cassandra Li Ong, ganito rin ang prosesong pagdadaanan ni Alice Guo.
Pagdating sa airport pagkatapos ay ibibigay muna ito sa kustodiya ng Bureau of Immigration (BI) bago ipasa sa NBI para isailalim sa inquest proceedings saka ibibigay sa kustodiya ng Senado.
Kaugnay nito, nagpasalamat naman ang opisyal sa gobyerno ng Indonesia para sa matagumpay na pagkaka-aresto ki Guo.
Samantala, binisita naman ni Abalos ang lungsod ng Naga kahapon upang magbigay ng tulong sa mga nasalanta ng paghagupit ng bagyong Enteng