NAGA CITY- Nanawagan ngayon ang Provincial Health Officer ng Quezon Province sa mga kagawad ng media na huwag ng sakyan ang pagpapalabas ng maling impormasyon sa publiko kaugnay ng novel coronavirus.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Dr. Grace Santiago, Provincial Health Officer ng Quezon, ang Department of Health lamang ang natatanging source na magpapalabas ng impormasyon tungkol sa isyu.
Una nang naitala ang limang Persons Under Investigation sa Quezon ngunit tiniyak ni Santiago na wala pang nagpopositibo sa naturang sakit.
Samantala, pinawi rin ng Environment Disaster Management and Emergency Response Office (EDMERO) Camsur ang pangamba ng publiko kaugnay sa naglalabasan ngayong balita na may kaso na rin ng novel coronavirus sa lalawigan.
Nanawagan ang ahensya sa publiko na huwag basta maniniwala sa mga lumalabas sa social media tungkol sa sitwasyon sa CamSur.
Sa kabila nito, tiniyak naman ng mga otoridad na nakatutok sila sa iba’t ibang hakbang para maiwasan ang pagpasok ng naturang sakit sa lalawigan.