NAGA CITY – Walang Pinoy na nadamay sa malawakang sunog sa Malaysia matapos sumabog ang isang gas pipeline.
Sa report ni Bombo International News Correspondent Cesar Tableso, mula sa Malaysia, na kaninang umaga Abril 1, ay nakarinig sila ng malakas na pagsabog na inaakala ng mga residente na lindol.
Gayunpaman, napag-alaman nilang ang pinagmulan ng malakas na tunog ay dahil sa sumabog na gas pipeline na naging sanhi ng napakalaking sunog.
Bandang alas-8:10 kaninang umaga, nakatanggap ng tawag ang Fire Department ng nasabing bansa hinggil sa nasabing insidente kung saan, dumating ang mga awtoridad makalipas ang 12 minuto.
Ayon sa mga awtoridad, nasa 190 bahay, 148 sasakyan, at 11 motorsiklo ang nasira habang 112 katao ang nasugatan sa insidente.
Naapula rin ang apoy sa tulong ng 41 emergency personnel mula sa 9 na fire station.
Samantala, walang Pilipinong nasugatan sa insidente at walang nasawi.
Samantala, isa sa posibleng dahilan ng insidente ay ang matinding init ng panahon na naging sanhi ng pagtagas ng pipeline ngunit patuloy pa rin ang imbestigasyon sa sanhi ng sunog.
Ang nasabing matinding sunog ang unang beses na nakaatala sa bansa.
Samantala, nagpaabot na ng tulong ang gobyerno ng Malaysia sa mga biktima.