NAGA CITY – Binigyang-diin ni DPWH Secretary Vince Dizon na kabilin-bilinan ni President Ferdinand Marcos Jr na sa pagsimula pa lamang ng bagong taon ay masimulan na rin ang pagsasaayos ng Maharlika at Andaya Highway.

Dagdag pa nito na utos ng Pangulo na tingnan ang problema sa nasabing mga kalsada upang mahanapan at gawan ng pangmatagalang solusyon na talaga namang magbibigay ng kaginhawahan sa mga biyaheros na dumaraan dito. Ayon pa kay Dizon, sisimulan na nila ang pagpaplano at habang tag-init pa aniya ay sisimulan na ang pagpapagawa at pagsasaayos ng Maharlika at Andaya Highway.

Paglilinaw pa ng sekretaryo na ibibigay nila ang lahat ng pondo at anuman na kailangan sa rehabilitation ng kalsada.

Samantala, iginiit pa nito na importante na mayroong maayos na kontratista sa ganitong proyekto dahil kung ang pondo ng mamamayang Pilipino ay hindi ninanakaw, magiging maganda at maayos ang resulta ng mga ganitong patrabaho.

Advertisement

Ibinahagi pa ni Dizon na ang malaking problema partikular na sa Andaya Highway ay ang tubig na dumaraan sa ilalim ng kalsada, dahil ang probinsiya ng Camarines Sur ay ang bagsakan ng tubig ng mga karatig na lugar lalo na tuwing mayroong malakas na pag-ulan.

Kaya sa pagsasaayos aniya ng kalsadang ito, kinakailangang lagyan ng tamang drainage at tamang daanan ng tubig upang hindi palagi at agad na nasisira ito.

Maaalala, ilang dekada ng problema ng mga biyaheros ang Maharlika at Andaya Highway na hanggang ngayon patche-patche pa rin ang paggawa rito.

Sa ngayon, tiniyak na lamang ni Dizon na sa lalong madaling panahon, kailangan ng maumpisahan ang pagsasaayos ng nasabing mga kalsada.

Advertisement