NAGA CITY- Tiniyak ng Muslim Community sa lungsod ng Naga na susunod sila sa lahat ng protocols sa enhanced community quarantine (ECQ) kasabay ng pagsisimula ng Ramadan ngayong araw.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Mike Mustapha, Presidente ng Maranao Guild for Sodality, aminado itong ramdam nila ang epekto ng ECQ lalo na sa isa ito sa pinakamahalagang mga araw para sa kanila.
Ngunit dahil sa epidenya, kung kaya magkakaroon aniya sila ng mga pagbabago sa mga nakagawiang aktibidad tuwing sasapit ang Ramadan.
Ayon kay Mustapha, kung dati humigit kumulang sa 100 katao ang sabay-sabay na nagdarasal sa loob ng Mosque, sa ngayon lilimitahan na lamang ito sa 20 hanggang 30 tao para mayroong social distancing.
Maliban dito, dapat din aniyang nakasuot ng face mask ang mga papasok sa Mosque.
Nanawagan naman si Mustapha sa Muslim Community sa lungsod na sumunod sa mga polisya at irespeto ang batas dahil para rin ito sa kanilang kaligtasan.