NAGA CITY – Napapanahon na aniya para pagtuunan ng pansin ng pamahalaan ang mga sports kung saan maaaring mag-excel ang mga atletang Pinoy.
Ito ang naging pahayag ni Camarines Sur 2nd District Representative Congressman Lray Villafuerte sa pagharap nito sa mga kawani ng media.
Aniya, magandang matukoy ng pamahalaan kung saan makikita ang galing ng Pilipinas at kung saan mayroong pagkakataong makakuha ng gold medal sa mga torneyo.
Halimbawa na lamang umano nito ang larangan ng weightlifting kung saan mababatid na dito nasungkit ni Hidilyn Diaz ang first ever glod medal.
Dagdag pa nito, maaari ring bigyan ng atensiyon ng pamahalaan ang boxing at archery kung saan maaaring umabanse sa mga torneyo ang mga atleta ng bansa.
Samantala, tinutulak naman ni Villafuerte na dagdagan pa ang makukuhang pabuya at insentibo ng mga atleta kung sakaling makakuha ng gold medal na magdadala ng malaking pagkilala para sa bansa.